37At mula sa lahi sa silangan ng Ilog Jordan, ang lahi ni Ruben, Gad at kalahating lahi ni Manases: 120,000 sundalo na armado ng ibaʼt ibang uri ng armas.
38Silang lahat ang sundalo na nagprisinta sa pakikipaglaban. Pumunta sila sa Hebron at nagkaisa silang gawing hari si David sa buong Israel. Sa katunayan, halos lahat ng Israelita ay gustong maging hari si David.
39Nanatili sila roon nang tatlong araw kasama si David na nagsisikain at nag-iinuman dahil pinadalhan sila ng mga kababayan nila ng pagkain.
40Nagdala rin ng pagkain ang mga kamag-anak nilang mula pa sa malayong lugar ng Isacar, Zebulun at Neftali. Ikinarga nila ito sa mga asno, kamelyo, mola at baka. Marami ang kanilang harina, igos, mga pinatuyong pasas, alak at langis, baka at tupa. Masayang-masaya ang lahat sa Israel.