1Nang matanda na si Samuel, pinili niya ang mga anak niyang lalaki na maging pinuno ng Israel.
2Joel ang pangalan ng panganay at Abias naman ang sumunod. Pareho silang namuno sa Beer-seba,
3pero hindi sila gaya ng kanilang ama. Gahaman sila sa pera, tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang katarungan.
4Kaya nagtipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel at pumunta kay Samuel sa Rama.
5Sinabi nila, “Matanda na po kayo; at ang mga anak ninyoʼy hindi naman sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngayon, bigyan nʼyo po kami ng hari na mamumuno sa amin, gaya ng ibang bansa na mayroong hari.”