1Mula kay Pablo na apostol ni Kristo Hesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Kristo Hesus na ating pag-asa,
2Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya: Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang nagmumula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.
3Gaya ng ibinilin ko saʼyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para sabihan ang ilang tao na ihinto na ang pagtuturo ng maling aral.
4Pagsabihan mo silang huwag aksayahin ang kanilang panahon sa mga walang kabuluhang alamat at sa pagsasaliksik sa talaan ng mga ninuno. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito at hindi nakakatulong upang matupad ang kalooban ng Diyos, na magagawa lamang sa pamamagitan ng pananampalataya.
5Ang layunin ng utos kong ito ay upang magkaroon sila ng pagmamahal, at magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensiya, at kung taos-puso ang kanilang pananampalataya.