4Nagustuhan ng hari at ng lahat ng mamamayan ang plano na pagdiriwang ng pista,
5kaya nagpadala sila ng mensahe sa buong Israel, mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na dapat pumunta ang mga tao sa Jerusalem sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel. Sa mga nagdaang pagdiriwang, kakaunti lang ang nagsidalo. Ngunit sinasabi ng kautusan na dapat dumalo ang lahat.
6Sa utos ng hari, pumunta nga ang mga mensahero sa buong Israel at Juda dala ang mga sulat mula sa hari at sa kanyang mga opisyal. Ito ang nakasulat: “Mga mamamayan ng Israel, ngayong nakaligtas kayo sa kamay ng mga hari ng Asiria, panahon na upang magbalik-loob kayo sa Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, upang bumalik din siya sa inyo.
7Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Diyos, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon.
8Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa Templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Diyos, upang mawala ang matindi niyang galit sa inyo.