7Huwag nʼyong tularan ang inyong mga ninuno at mga kamag-anak na hindi naging tapat sa Panginoon na kanilang Diyos, na dahil ditoʼy ginawa silang kasuklam-suklam ng Panginoon gaya ng nakikita ninyo ngayon.
8Kaya huwag maging matigas ang inyong ulo gaya ng inyong mga ninuno, kundi magpasakop kayo sa Panginoon. Pumunta kayo sa Templo na kanyang pinabanal magpakailanman. At maglingkod kayo sa Panginoon na inyong Diyos, upang mawala ang matindi niyang galit sa inyo.
9Sapagkat kung manunumbalik kayo sa Panginoon, kahahabagan ng mga bumihag ang inyong mga anak at mga kamag-anak, at pababalikin sila rito sa lupain. Sapagkat matulungin at mahabagin ang Panginoon na inyong Diyos. Hindi niya kayo tatalikuran kung manunumbalik kayo sa kanya.”
10Pumunta ang mga mensahero sa bawat bayan sa buong Efraim at Manases hanggang sa Zebulun, pero pinagtawanan lang sila at hinamak ng mga tao.
11Ngunit may ibang galing sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem.