12Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay.
13Pagkatapos, tumayo siya sa tansong entablado na kanyang ipinagawa. Itoʼy may haba at luwang na pitoʼt kalahating talampakan, at may taas na apat at kalahating talampakan. At lumuhod si Solomon sa harap ng mga mamamayan ng Israel na nakataas ang kanyang mga kamay.
14Nanalangin siya, “O Panginoon, Diyos ng Israel, wala pong Diyos na katulad ninyo sa langit o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong kasunduan, at ipinapakita ang inyong pag-ibig sa inyong mga lingkod na buong pusong sumusunod sa inyo.
15Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako at kayo rin ang tumupad sa araw na ito.
16“At ngayon, Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin nʼyo po ang inyong ipinangako sa inyong lingkod na si David na aking ama nang sinabi nʼyo po sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa aking mga Kautusan ang iyong mga angkan, tulad ng iyong ginawa.’