23Noong ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Menahem na si Pekaya. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon.
24Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
25Nagplano ng masama ang anak ni Remalias na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng limampung kalalakihan mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.
26Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
27Noong ikalimampuʼt dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel ang anak ni Remalias na si Peka. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawampung taon.