8Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.
9Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin saʼyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para saʼyo.” Sumagot si Eliseo, “Ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”
10Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Kung makikita mo ako kapag akoʼy kinuha na saʼyo, matatanggap mo ito. Ngunit kung hindi mo ako makikita, hindi mo ito matatanggap.”
11Habang naglalakad sila at nagkukuwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipuipo.
12Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita pa si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan.