12Kaya palagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo.
13At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako,
14dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Hesu-Kristo mismo ang nagpahayag nito sa akin.
15Kaya gagawin ko ang lahat upang matiyak kong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.
16Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Hesu-Kristo ay hindi kuwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya.