16Si Ishbi-benob na Filisteo na mula sa angkan ng mga Rafa, ay nagtangkang patayin si David. Tanso ang dulo ng sibat niya na tumitimbang ng mga apat na kilo, at may nakasukbit pa siyang bagong espada.
17Ngunit dumating si Abisai na anak ni Zeruias para iligtas si David, at pinatay niya ang Filisteo. Pagkatapos nito, sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Hindi na po kami papayag na muli kayong sumáma sa amin sa labanan. Tulad kayo ng ilaw sa Israel at ayaw naming mawala kayo.”
18Di nagtagal, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gob. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husa si Saf, na isa sa mga angkan ng Rafa.
19At sa isa pa nilang labanan sa Gob, pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare Origem, na taga-Bethlehem, si Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Goliat ay mabigat at makapal.
20Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Nagmula rin siya angkan ng mga Rafa.