19Binigyan niya ng tinapay, karne at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.
20Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!”
21Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamuno sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon.
22At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko ay gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”
23Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.