11Dahil sa mga pangyayaring iyon, matinding takot ang bumalot sa buong iglesya at sa lahat ng nakabalita nito.
12Maraming tanda at kababalaghang ginawa ang mga apostol sa kalagitnaan ng mga tao. At ang lahat ng mga mananampalataya ay laging nagtitipon sa Balkonahe ni Solomon.
13Ngunit, wala nang iba pang nangahas na sumáma sa kanila kahit mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao.
14Gayunmaʼy lalo pang nadagdagan ang bilang ng mga lalaki at babaeng sumasampalataya sa Panginoon.
15Dahil sa mga himalang ginawa ng mga apostol, dinala ng mga tao ang mga maysakit sa lansangan. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at banig, upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lang ng anino niya ang ilan sa kanila.