6At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Diyos.
7Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Kristo, at pumunta siya diyan bilang kinatawan namin.
8Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Espiritu.
9Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, hindi kami tumigil sa pagdarasal para sa inyo. Hinihiling namin sa Diyos na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Espiritu upang lubusan ninyong malaman ang kalooban niya.
10Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Diyos.