10Lalo pa itong naging makapangyarihan hanggang sa naabot nito ang langit, at pinabagsak nito sa lupa ang ilang mga bituin at saka tinapak-tapakan.
11Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Diyos, at nilapastangan niya ang templo.
12Dahil sa pagsuway ng mga mamamayan ng Panginoon, ipinasakop sila sa kanya pati ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa.
13Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan upang pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?”
14Sumagot ang isa, “Itoʼy mangyayari sa loob ng 2,300 umaga at hapon, at pagkatapos ay lilinisin ang Templo.”