10Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo.
11Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga tungkod, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.
12“Sa gabing iyon, dadaan ako sa Ehipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki, mapa-tao man o hayop. Parurusahan ko ang lahat ng diyos ng Ehipto. Ako ang Panginoon.
13Ngunit ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Ehipto.
14“Alalahanin ninyo ang araw na ito magpakailanman. Taon-taon, ipagdiwang ninyo ito bilang pista ng pagpaparangal sa akin, hanggang sa mga susunod na henerasyon. Ang tuntuning ito ay panghabang-panahon.