21Dumating ang lahat ng taong naantig ang puso at nahimok ng kanyang espiritu, at dinala nila ang mga handog nila sa Panginoon para sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at para sa damit ng mga pari.
22Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kuwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon.
23May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong lino, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat.
24Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon.
25Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong lino ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela.