3Nagpakita ako kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan, pero hindi ko ipinakilala sa kanila ang pangalan kong Panginoon.
4Gumawa ako ng kasunduan sa kanila, na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan kung saan sila nanirahan bilang mga dayuhan.
5Narinig ko ang hinaing ng mga Israelita na inaalipin ng mga Ehipsiyo at inalala ko ang aking kasunduan sa kanila.
6“Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang Panginoon. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Ehipsiyo, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin.
7Ituturing ko kayong aking mga mamamayan at akoʼy magiging Diyos ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon na inyong Diyos na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Ehipto.