16Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan.
17Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod.
18Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok upang ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila.
19“ ‘Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw ng paghatol ng Panginoon. Hindi rin nila ito makakain upang mabusog sila sapagkat ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala.
20Ipinagmamalaki nila ang kanilang mga naggagandahan hiyas na siyang ginamit nila upang gumawa ng mga kasuklam-suklam na diyos-diyosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila.