11Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”
12Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sa halip, sinasabi ng Kasulatan, “Ang sumusunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.”
13Ngunit walang makakasunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan kaya dapat sana tayong maparusahan lahat. Ngunit ngayon, tinubos na tayo ni Kristo sa sumpa nito. Isinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang bawat binibitay sa puno.”
14Ginawa ito ng Diyos upang ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus; at upang matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
15Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din sa mga pangako ng Diyos.