22At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magkaanak kayo at magpakarami, kayong mga nilalang sa tubig, at punuin ninyo ang mga dagat, at magpakarami kayo, kayong mga ibon.”
23Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.
24Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng nilalang sa lupa: mga hayop na maaamo at maiilap, at lahat ng uri ng nilalang na gumagapang.” At iyon nga ang nangyari.
25Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop na maiilap at maaamo, at lahat ng uri ng nilalang na gumagapang sa lupa. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya.
26Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop na maaamo at maiilap, at sa lahat ng nilalang na gumagapang sa lupa.”