4“Sa ganang akin, ito ang aking kasunduan sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa.
5Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa.
6Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari.
7Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, at ako ang magiging Diyos nila. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman.
8Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Ngunit ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Diyos ninyo.”