18Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.
19Tandaan ninyo ito, mga minamahal kong kapatid: Dapat maging handa ang lahat sa pakikinig, maging mahinahon sa pananalita, at huwag agad magagalit.
20Sapagkat ang galit ay hindi nakakatulong sa tao na maging matuwid sa paningin ng Diyos.
21Kaya talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan at maruruming gawain, at tanggapin nang may pagpapakumbaba ang salita ng Diyos na itinanim sa inyong puso na siyang makapagliligtas sa inyo.
22Huwag lang kayong makinig ng salita ng Diyos kundi gawin din ninyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang inyong sarili.