18“Kung napopoot sa inyo ang mundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan.
19Kung kabilang kayo sa mundo, mamahalin nila kayo bilang kasama nila. Ngunit hindi kayo kabilang sa mundo, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Dahil dito, napopoot sila sa inyo.
20Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita.
21Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.
22Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila.