17Pagkatapos, ang lahi naman ni Simeon ang tinulungan ng lahi ni Juda na sakupin ang lungsod ng Sefat na tinitirhan din ng mga Cananeo. Winasak nila nang husto ang lungsod, kaya tinawag itong Horma.
18Sinakop din nila ang mga lungsod ng Gaza, Ashkelon at Ekron, pati ang mga teritoryo nito sa paligid.
19Tinulungan ng Panginoon ang mga lahi ng Juda. Sinakop nila ang mga kaburulan, pero hindi nila madaig ang mga tao na nakatira sa mga kapatagan dahil may mga karwahe silang yari sa bakal.
20At tulad ng ipinangako ni Moises, ibinigay kay Caleb ang Hebron. Itinaboy ni Caleb ang mga taong nakatira sa lugar na ito na mula sa tatlong anak ni Anac.
21Hindi naitaboy ng lahi ni Benjamin ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon, naninirahan pa rin ang mga ito kasama ng mga lahi ni Benjamin.