6Pagkatapos, kukuha siya ng buháy na ibon, kahoy na sedro, taling pula, at halamang isopo, at ilulubog lahat sa tubig na may dugo ng pinatay na ibon.
7At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa taong gumaling sa sakit sa balat, at ipapahayag niya na malinis na ang taong iyon. At pagkatapos, pakakawalan ng pari ang buháy na ibon sa bukid.
8“Ngunit bago ituring na malinis ang taong gumaling, kinakailangang labhan muna niya ang kanyang damit, magpaahit ng kanyang buhok at balahibo, at maligo. Pagkatapos nito, maaari na siyang pumasok sa kampo pero hindi pa rin siya makakatira sa loob ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw.
9Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo, at silaʼy ituturing na malinis.
10“Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taóng gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng tatlong kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon. At magdala rin siya ng isang basong langis ng olibo.