10“Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon at kayoʼy mag-aani, dadalhin ninyo sa pari ang unang bigkis ng bawat ani,
11at kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, itataas niya ito sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito.
12Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taóng gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog.
13Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon, at isang litrong alak bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at nakalulugod ang samyo nito sa Panginoon.
14Hindi kayo dapat kumain ng anuman mula sa inyong bagong ani, ito man ay sariwa o binusa o nilutong tinapay, hanggaʼt hindi niyo pa ito naihahandog sa inyong Diyos. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.