17Ang mga natirang bahagi ng baka, tulad ng laman, balat at lamang-loob ay sinunog niya sa labas ng kampo. Ginawa ito ni Moises ayon sa iniutos ng Panginoon.
18Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. Ipinatong ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
19At pinatay ni Moises ang tupa at iwinisik ang dugo sa paligid ng altar.
20Kinatay niya ang tupa at hinugasan ang mga lamang-loob at paa, at saka sinunog lahat doon sa altar pati na ang ulo at taba bilang handog na sinusunog. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos sa kanya ng Panginoon.