23Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Kung sinuman sa inyo ang gustong sumunod sa akin ay hindi niya dapat inuuna ang kanyang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw.
24Ang sinumang nagsisikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang mag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay maililigtas ito.
25Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala!
26Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag pumarito siya na taglay ang kanyang kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel.
27“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.”