14Nang mabilanggo si Juan, pumunta si Hesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita mula sa Diyos.
15Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na ang paghahari ng Diyos. Pagsisihan at talikuran na ninyo ang inyong mga kasalanan, at maniwala kayo sa Magandang Balita!”
16Isang araw, habang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres. Naghahagis sila ng lambat sa lawa sapagkat silaʼy mga mangingisda.
17Sinabi ni Hesus sa kanila, “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”
18Kaagad nilang iniwan ang mga lambat nila at sumunod sa kanya.