20Nagtanong pa si Hesus, “At nang pagpira-pirasuhin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!”
21At sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba nauunawaan?”
22Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Hesus. Nagmakaawa sila na hipuin niya ang taong ito.
23Kaya inakay ni Hesus ang bulag at dinala sa labas ng bayan. Pagkatapos, dinuraan niya ang mga mata ng bulag, ipinatong ang kanyang kamay rito at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?”
24Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.”