5Nang makatawid sina Hesus sa lawa, naalala ng mga alagad niyang hindi sila nakapagbaon ng kahit anong tinapay.
6Sinabi ni Hesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at mga Saduceo.”
7Nag-usap-usap ang mga alagad ni Hesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay.
8Ngunit alam ni Hesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Napakaliit naman ng inyong pananampalataya! Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay?
9Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang limang libong tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang kaing ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain?