43Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga alagad niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila.
44Lumayo ulit si Hesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin.
45Binalikan niya ang mga alagad niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan.
46Tayo na! Narito na ang taong magkakanulo sa akin.”
47Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama na may dalang mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo.