47Nagsasalita pa si Hesus nang dumating si Judas na isa sa labindalawang alagad. Marami siyang kasama na may dalang mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Hudyo.
48Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Hesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.”
49Lumapit si Judas kay Hesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Rabbi!” saka hinalikan siya.
50Sinabi ni Hesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Hesus.
51Bumunot ng espada ang isa sa mga alagad ni Hesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at natagpas ang tainga nito.