50Muling sumigaw nang malakas si Hesus at pagkatapos ay ipinaubaya niya ang kanyang espiritu sa Diyos.
51Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. Lumindol sa buong lupain, nagkabitak-bitak ang mga bato
52at nabuksan ang mga libingan, at muling nabuhay ang maraming banal na namatay.
53Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Hesus, pumunta sila sa banal na lungsod ng Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila.
54Ang kapitan ng mga sundalo at mga kasama niyang nagbabantay kay Hesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang lahat ng mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!”