6Kaya bumalik si Balaam, at nakita niya si Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang mga handog, kasama ng lahat ng pinuno ng Moab.
7Pagkatapos, sinabi ni Balaam, “Ipinatawag mo ako, Haring Balak ng Moab, mula sa Aram, sa kabundukan sa silangan. Sinabi mo sa akin, ‘Dali, sumpain mo ang mga lahi ni Jacob para sa akin. Sumpain sila na mga mamamayan ng Israel.’
8Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinumpa ng Diyos? Paano ko tutuligsain ang mga taong hindi tinuligsa ng Panginoon?
9Mula sa itaas ng bundok, nakita ko sila. Nabubuhay sila nang sila lang, na nakabukod sa ibang mga bansa.
10Sino ba ang may kakayahang bilangin ang dami ng lahi ni Jacob? Napakarami nila na parang alikabok. Mamatay sana ako na tulad ng matuwid; ang wakas ng buhay koʼy gaya ng sa kanya.”