1Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang Templo ng Diyos at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon.
2Ngunit huwag mong sukatin ang labas ng Templo dahil inilaan iyon para sa mga Hentil. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng apatnapuʼt dalawang buwan.
3Sa mga araw na iyon, isusugo ko roon ang dalawang saksi ko na nakasuot ng sako, at ipapapahayag nila ang mensahe ng Diyos sa loob ng 1,260 araw.”
4Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo.
5Kung sinuman ang magtangkang manakit sa kanila, may apoy na lalabas sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang kaaway. Ganito pupuksain ang sinumang magtangkang saktan sila.