8Ang ibig sabihin, hindi lahat ng anak ni Abraham ay maituturing na anak ng Diyos, kundi ang mga anak lamang na ipinanganak ayon sa pangako.
9Sapagkat ganito ang ipinangako ng Diyos sa kanya, “Babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
10Ang anak na ito ay ang ating ninunong si Isaac. At nangyari nga na ang asawa niyang si Rebeca ay nagdalang-tao ng kambal.
11Bago pa man ipanganak ang kambal, sinabi na ng Diyos kay Rebeca, “Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababatang kapatid.” Sinabi ito ng Diyos noong wala pa silang nagagawang mabuti o masama, bilang patunay na ang pagpili niya ay batay sa sarili niyang pasya at hindi sa mabubuting gawa ng tao.