6Ang Asdod ay titirhan ng ibaʼt ibang lahi. Lilipulin ng Panginoon ang ipinagmamalaki ng mga Filisteo.
7Hindi na sila kakain ng karneng may dugo o ng mga pagkaing ipinagbabawal na kainin. Ang matitira sa kanila ay ibibilang ng ating Diyos na kanyang mga mamamayan na parang isang angkan mula sa Juda. Ang mga taga-Ekron ay magiging kabilang sa mga mamamayan ng Panginoon katulad ng mga Jebuseo.
8Iingatan ng Panginoon ang kanyang templo laban sa mga sumasalakay. Wala nang mang-aapi sa mga mamamayan niya dahil binabantayan na niya sila.
9“Magalak kayo, kayong mga mamamayan ng Zion! Sumigaw kayo sa tuwa, kayong nasa Jerusalem! Sapagkat ang inyong hari ay darating na. Matuwid siya at matagumpay. Mapagpakumbaba siya, at darating na nakasakay sa bisirong asno.
10Ipapaalis niya ang mga karwahe at mga kabayong pandigma sa Israel at sa Juda. Babaliin ang mga panang ginagamit sa digmaan. Ang haring darating ay magdadala ng kapayapaan sa mga bansa. Maghahari siya mula sa isang dagat hanggang sa isa pang dagat, at mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa dulo ng mundo.