16Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog Eufrates upang tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Sofac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog Jordan at pumuwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila.
18Ngunit nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng pitong libong mangangarwahe at apatnapung libong sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Sofac, ang kumander ng mga sundalo.
19Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David. Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Amonita.