2Sinabi ni David, “Magiging mabuti ako kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito. Ngunit pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Amonita,
3sinabi ng mga opisyal ng mga Amonita kay Haring Hanun, “Tingin nʼyo baʼy pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan upang makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para magmanman sa lupain natin at wasakin ito.”
4Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahitan sila at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5Sa ganoong kalagayan, nahihiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.
6Napag-isip-isip ng mga Amonita na ginalit nila si David. Kaya nagbayad sila ng tatlumpuʼt limang toneladang pilak para umupa ng mga karwahe at mga mangangarwahe mula sa Aram-naharaim, Aram-maaca at Zoba.