4Palagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
5Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Diyos sa lahat ng bagay: sa pananalita at kaalaman.
6Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Kristo ay totoo.
7Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espirituwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
8Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng pagdating ng ating Panginoong Hesu-Kristo.