22Wala ba kayong mga sariling bahay para doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Diyos at ipinapahiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!
23Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing ipagkanulo ang Panginoong Hesus, kumuha siya ng tinapay,
24at pagkatapos niyang magpasalamat sa Diyos, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”
25Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa kopa. Kinuha niya ito at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong kasunduang pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.”
26Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang pagbabalik.