6Mga kapatid, ginamit kong halimbawa ang aking sarili at si Apolos upang matutunan ninyo ang ibig sabihin ng kasabihang, “Huwag ninyong higitan ang sinasabi ng Kasulatan.” Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang isa at sabihing mas mabuti siya kaysa sa iba.
7Bakit sinasabi ninyong nakakahigit kayo sa iba? Ano ba ang mayroon kayo na hindi nagmula sa Diyos? Kung ang lahat ng nasa inyoʼy nagmula sa Diyos, bakit nagmamalaki kayo na parang galing mismo sa inyo ang mga ito?
8Inaakala ninyong nasa inyo na ang lahat ng inyong kailangan, na mayayaman na kayo at naghahari na nang wala kami. Sana ngaʼy naghahari na kayo nang makapaghari naman kaming kasama ninyo.
9Sa tingin ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Diyos na parang pinakahamak sa lahat ng tao. Para kaming mga taong nahatulan nang kamatayan, na ipinaparada sa harap ng buong mundo, sa mga tao at pati sa mga anghel.
10Dahil kay Kristo, itinuturing kaming mga hangal, ngunit kayo naman ay nag-aakalang marurunong kayo sapagkat nakay Kristo kayo! Kami ay mahihina, at kayo ay malalakas! Kayo ay iginagalang, habang kami naman ay hinahamak!