1Isipin ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Dahil sa dakila niyang pag-ibig ay tinawag niya tayong mga anak niya, at tunay ngang tayoʼy mga anak niya! Ang dahilan kung bakit hindi tayo kilala ng mundo ay dahil hindi nila kilala ang Diyos.
2Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos. Ngunit hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Subalit alam natin na sa pagbabalik ni Kristo, tayo ay magiging katulad niya dahil makikita natin ang tunay niyang anyo.
3Kaya ang sinumang may ganitong pag-asa kay Kristo ay nagsisikap linisin ang kanyang buhay upang maging katulad ito ng buhay ni Kristo na malinis.
4Ang lahat ng nagkakasala ay lumalabag sa Kautusan ng Diyos dahil ang kasalanan ay paglabag sa Kautusan.