16Kaya nalalaman natin at pinaniniwalaan ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig. At ang sinumang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos sa kanila.
17Sa ganito nagiging ganap ang pag-ibig sa atin: May kapanatagan tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom dahil namumuhay tayong tulad ni Kristo sa mundong ito.
18Ang ganitong pag-ibig ay walang halong takot dahil pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung may takot man ang isang tao, itoʼy dahil takot siyang maparusahan, at ipinapakita nito na hindi pa nagiging ganap ang pag-ibig sa kanya.
19Tayoʼy umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.
20Ang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Sapagkat kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya magawang ibigin, paano pa kaya niya magagawang ibigin ang Diyos na hindi naman niya nakikita?