5Bumalik kay Ahab ang mga mensahero at sinabi, “Ito ang ipinasasabi ni Ben-hadad: ‘Sinabi ko na sa iyo na ibigay mo sa akin ang iyong mga pilak, ginto, mga asawaʼt anak.
6Ngunit bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko diyan ang mga opisyal ko para maghalughog sa palasyo mo at sa mga bahay ng iyong mga opisyal. Kukunin nila ang lahat ng itinuturing mong mahalaga.’ ”
7Ipinatawag ng hari ng Israel ang lahat ng tagapamahala ng Israel, at sinabi, “Naghahanap talaga ng paraan si Ben-hadad na wasakin tayo. Pumayag na nga ako nang hilingin niya ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak at ginto.”
8Sumagot ang mga tagapamahala at ang mga tao, “Huwag po kayong papayag sa mga hinihiling niya.”
9Kaya sinabihan niya ang mga mensahero ni Ben-hadad, “Sabihin ninyo sa mahal na hari na ibibigay ko ang kanyang unang kahilingan, ngunit ang ikalawa ay hindi ko na papayagan.” Bumalik kay Ben-hadad ang mga mensahero at sinabi nila ang sagot ni Ahab.