26May apatnapung libo kuwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayong pangkarwahe at may 12,000 siyang mangangabayo.
27Ang mga gobernador sa mga distrito ang nagbibigay ng pangangailangan ni Haring Solomon at ng lahat ng nasa palasyo. Ang bawat isa sa kanila ay may responsibilidad sa pagbibigay bawat buwan. Tinitiyak nilang maibibigay ang mga pangangailangan ni Solomon.
28Nagbibigay din sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo. Dinadala nila ito sa lugar na dapat nitong pagdalhan sa oras na kailangan ito.
29Binigyan ng Diyos si Solomon ng di-pangkaraniwang karunungan at pang-unawa, at kaalaman na hindi masukat.
30Ang kaalaman niya ay higit pa sa kaalaman ng lahat ng matatalino sa silangan at sa Ehipto.