59Palagi sanang maalala ng Panginoon na ating Diyos, araw at gabi, ang mga panalangin kong ito. Nawaʼy tulungan niya ako at ang mga mamamayan niyang Israelita, ayon sa kanilang pangangailangan bawat araw,
60para malaman ng lahat ng bayan sa buong mundo na ang Panginoon ay siyang Diyos at wala nang iba pa.
61At sana, kayong mga Israelita ay maging tapat sa Panginoon na ating Diyos. Tuparin ninyo ang kanyang mga tuntunin at mga utos katulad ng ginagawa ninyo ngayon.”
62Pagkatapos, naghandog si Haring Solomon at ang buong Israel sa Panginoon.
63Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan: 22,000 baka at 120,000 tupa at kambing. Sa ganitong paraan, itinalaga ng hari at ng lahat ng mga Israelita ang Templo ng Panginoon.