5kayo rin, tulad ng mga batong buháy ay itinatayo ng Diyos bilang isang gusaling espirituwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Diyos, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espirituwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Hesu-Kristo.
6Sapagkat sinasabi ng Diyos sa Kasulatan: “May pinili akong maghahari sa Zion. Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon. Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”
7Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Diyos. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi ng Kasulatan: “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”
8“Ang batong ito ang dahilan na matitisod ang mga tao at madadapa sila dahil dito.” Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Diyos; ganoon ang nakatalaga para sa kanila.
9Ngunit kayoʼy bayang hinirang, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Diyos. Pinili kayo ng Diyos na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan.