19Kinabukasan, maagang bumangon si Elcana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elcana si Ana at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Ana na bigyan siya ng anak.
20At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel, dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
21Nang dumating ang taunang paghahandog ni Elcana sa Panginoon, pumunta siya sa Silo kasama ang kanyang buong pamilya, upang maghandog at tuparin ang kanyang panata,
22ngunit si Ana ay hindi sumama. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag puwede nang mahiwalay sa akin ang bata, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon upang ihandog, at doon na siya titira sa buong buhay niya.”
23Sumagot si Elcana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin mo ay mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa puwede nang mahiwalay saʼyo ang bata. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.